Isa sa pinakamahirap gawin para sa akin ay ang iwasan ang mainis. Hanga nga ako sa aking iilan na kaibigan na nakakatiis sa aking kasungitan. Tingin ko ay dinedema na lang nila ang kasungitan ko paminsan-minsan.
Nung bumalik ako dito sa aking kasalukyang trabaho – ay kinakailangan ko ng major adjustment sa haba ng aking pisi. Iba na kasi ang naging katungkulan ko. Ako ngayon ay ang tulay sa pagitan ng mga manggagamit (users) at mga teknikal na nilalang (i.t. people). Bilang tulay — kailangan intindihin ko ang magkabilang panig. Kailangan din na lagi akong nakangiti at may positive na disposition. Isipin nyo na lang kung gaano kalaking hirap ito para sa akin.
Pero dahil sa matinding pangangailangan ng salapi – lahat ay dapat kayanin. Kaya eto – hirap na hirap na talaga ako. Pero no choice — dukha at maralita ako…. kaya swallow the pride at trabaho lang. Minsan nagrereklamo pa rin ako – pero sa mga kaibigan na lang na walang choice kung hindi ang pakinggan ang bawat hinaing ko.
Ngunit minsan – may mga tao talaga na sadya yatang pinadala sa ating mga buhay upang subukin ang ating katatagan. Yung mga nilalang na ang tanging dahilan ng pagkakatawang tao ay ang mang-inis.
Tulad ngayong araw na ito. Talaga po namang nasubok muli ang aking katatagan. Pero bago ko ito sabihin – mas mainam yata na magbigay muna ako ng maikling background sa mga pangyayari.
Nung mga kalagitnaan ng Pebrero ay mayroong nais ipagawa ang mga manggagamit sa aming sistema. Akin itong tiningnan at masusing pinag-aralan. Pagkatapos ng ilang araw na pagsusunog ng kilay — natapos din ang aking pag-aaral. Maari naman itong gawin – ngunit may posibilidad na may mga iba pang sistema na kinakailangan na mag-bago. Nagpadala ako ng electronic na sulat sa mga kinauukulan upang alamin kung sinong mga sistema ang maapektuhan ng pagbabago. May apat na sistema na nagsabing sila ay apektado at nangangailangan ng pagbabago. Aking ipinadala sa kanila ang dokumento ng mga pagbabagong gagawin upang kanilang basahin at kumpirmahin. May isang grupo – itago na lang natin sila sa pangalang Makabagong Sistemang Pangkautangan o MSP – ang nagbigay ng kanilang kuro-kuro na mali ang pamamaraan na aming gagawin. May iba daw paraan. Ngunit dahil sa basura naman ang kanilang suhestiyon ay di sila nasunod. Natapos na ang usapan at nagkasundo-sundo sa gagawin. Nagbigay na rin ang lahat ng kinakailangan na budget sa pagbabago na ito. Tandaan na Pebrero ito.
Fast forward – ngayon – June 27. May natanggap akong electronic na sulat na nagsasabi sa ibang mga sistema na apektado na i-finalize na ang plano sa pagbabago na ito. Okay naman ang lahat —- ng may natanggak kaming electronic na sulat mula sa MSP na nagsasabing hindi pa sila handa dahil sa may mga bagay pa silang nais itanong. Sinagot ko ang kanilang electronic na sulat – at isa-isa kong sinagot ang kanilang mga paglilinaw. Sinabi ko rin na nagawa na ang pagbabago na yun sa iba pang bansa na gumamamit din ng katulad na sistema.
Nagulat ako sa sagot ng MSP. May isang nilalang na sinagot ang aking electronic na sulat — dito ay tinatanong nila ako kung ano ang binago ng sistema nila sa ibang bansa. At hindi lang niya basta sinagot — isinama pa niya sa mga pagbibigyan ng sulat ang mga amo at bisor. Sumagot ako at sinabing hindi ako pamilyar sa ginawa ng sistema nila — at kung maari ay itanong nila sa kanilang mga kasama. Ilang minuto ang lumipas at sumagot ulit ang isang taga MSP – at nakasaad sa kaniyang electonic na sulat na ‘i-verify” ko raw at sabihin sa kanila kung kinakailangan ng MSP na magbago. Hindi raw nila alam bakit sila isinasali sa pagbabago na yun.
Hmmm….. mukhang maigsi ang memory nitong ugok na ito ha. Pauwi na lang ako ay iinisin pa ako. Anong hindi nyo alam bakit kayo isinama? At bakit ko rin kailangan alamin ang pagbabago sa sistema nyo – e sa inyo nga yan. Hmmm… At kung hindi kayo dapat apektado ng pagbabago – bakit kayo nagsabi nung Pebrero na kailangan nyo ng budget para sa pagbabago na ito. Ang nakakatawa pa — yung ugok na sumulat ng electronic na liham – ay the same ugok na nagnanais na baguhin ang pamamaraan na ibig naming gawin nung Pebrero.
Pero dahil sa kailangan na lagi akong mabait — hindi ko sila inaway. Sinagot ko na lamang ang kaniyang electronic na sulat – at isinaad ko na kaya lamang sila nasali ay dahil sinabi nya na isali sila at nanghingi pa sila ng budget. Bilang patotoo ay isinaman ko ang mga electronic na sulat nitong ugok na ito. Sinabi ko rin na ayos lang kahit ayaw nilang sumali sa pagbabago – dahil ang pagbabago ay para lamang sa mga sistema na nagnanais nito. Hmp. Pagkatapos kong repasuhin ang aking sulat ay ipinadala ko na ito.
Ano ang nangyari? Hindi ko pa alam — hindi pa sumasagot ang ugok e. Hmp. Ano ang maipapayo ko sa ugok na ito — wag muna siyang magpapakita sa akin. Mahaba man ang pisi ko —- may hangganan din ito.
P.S.
Wag nyo nang masyadong pansinin ang blog entry na ito. Itong entry na ito ay isinulat upang makapag –palamig ng ulo. Yun lang po — hanggang dito na lang muna — babalik na ulit ako sa pag-ngiti.

Posted by rollypollypanini 

Posted by rollypollypanini 






Posted by rollypollypanini 




